Slaughterhouse ng Puerto Princesa Iniimbistigahan
NI Amihan Sabillo
KUMILOS NA ang Sangguniang Panlungsod para imbestigahan ang serbisyo ng city slaughterhouse na matagal nang nirereklamo ng mga magtitinda ng karne sa palengke.
Ang pagbawas ng karne ng mga pinapakatay na hayop ng taga-palengke sa slaughterhouse ay 15 taon nang idinaraing ng mga magtitinda, ngunit ngayon lang ito binigyan ng seryosong atensyon ng pamahalaang panlungsod.
Ito ay matapos mabulgar sa midya ni Nestor Fuyunan, tindero ng karne sa palengke, ang maruming pagkakatay ng baboy kung kaya’t hindi nito napakinabangan ang 140 kilo ng karne na paninda.
Ayon kay Fuyunan, bukod sa duming nagkalat sa kanyang karne, binawasan din umano ito ng ilang kilo. Simula umano nang hawakan ng pamahalaang panlungsod, sa pamamagitan ng City Veterinary Office, ang slaughterhouse 15 taon na ang nakaraan, hindi na sila nawalan ng reklamo sa serbisyo nito.
Ilang beses na umano nilang ipinaabot kina acting market superintendent Alfred Sy, city veterinarian Dr. Indira Santiago, at maging kay Meyor Edward Hagedorn ang kanilang karaingan ngunit hindi nila nakuha ang hinihingi nilang aksyon.
Ayon kina Narciso Pangilinan Jr., tserman ng meat section, at Vivian Virgado, vice-chairman, ang pagtanggal sa ilang empleyadong hindi maganda ang inaasal sa slaughterhouse ngunit hindi matinag dahil sa kanilang koneksyong pulitikal ang magpapabuti sa serbisyo nito.
Inako ni Dr. Santiago ang responsibilidad sa nangyari sa karne ni Fuyunan at pinagtulungan itong binayaran ng mga empleyado ng slaughterhouse. Aminado naman ito na may mga empleyado ngang kulang sa kakayahan sa slaughterhouse ngunit wala sa kapangyarihan niya ang pagtanggal sa mga ito.
Pinabulaanan naman ng slaughterhouse master at foreman nito na marumi ang kanilang proseso ng pagkatay ng hayop dahil may kinatawan umano ang National Meat Inspection Commission na sumusubaybay sa kanilang operasyon.
Sinusuri umano ng meat inspector ang lahat ng karne bago ilabas ng slaughterhouse kaya hindi nila mawari kung paano nabahiran ng dumi ng hayop ang karne ni Fuyunan. Hindi rin anila totoo na binabawasan ng mga matadero ang karne ng mga pinapakatay na hayop dahil mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga ito.
Pinatawag na ng konseho si Santiago at ang mga opisyal ng slaughterhouse para magpaliwanag hinggil sa kontrobersya. Habang patuloy ang imbestigasyon ng konseho, isa sa mga inisyal na aksyon nito ay ang pagtukoy sa mga empleyadong may masamang rekord sa slaughterhouse.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home