Mga nandaya sa elementary football team ng Puerto Princesa, pinarusahan
Ni Amihan Sabillo
NAHAHARAP sa magkakaibang parusa ang mga taong sangkot sa pagpapalaro ng mga over-aged na atleta na gumamit ng ibang pangalan sa elementary football team ng lungsod noong nakaraang MIMAROPA-RAA Meet.
Ito ay matapos mapatunayan ng special task force na binuo ng DepEd Puerto Princesa para imbestigahan ang kontrobersya sa koponan ng lungsod na totoo ang napabalitang pandaraya.
Dahil sa dungis na nilikha ng anomalya sa pangalan ng lungsod, ipinag-utos ni Meyor Edward Hagedorn ang mass lay-off ng mga empleyado ng City Sports Division, na siyang may responsibilidad sa pagsasanay ng mga atleta ng Puerto Princesa.
Agad tinanggal sa City Sports Division si Antonio Tolosa, ang trainer ng koponan na itinuturo ng mga over-aged na atleta na siyang nag-engganyo sa kanila na maglaro gamit ang ibang pangalan. Si Tolosa ay mahigit sampung taon nang nagsasanay ng mga atleta ng lungsod bilang casual employee.
Pagbabawal namang makalahok sa anumang uri ng school sports sa lungsod ang naging rekomendasyon ni Dr. Servillano Arzaga, officer-in-charge ng City DepEd, sa coach ng koponan na si Gng. Nimfa Herrera, guro sa East Central School.
Sa pagharap ni Arzaga sa Sangguniang Panlungsod noong nakalipas na linggo, sinabi nito na sa lebel lang ng City-DepEd ang naturang desisyon at maaari pa itong bumigat pagdating sa lebel ng DepEd-Mimaropa na siyang may pinal na desisyon sa nasabing usapin.
Maaari umanong maharap sa kasong administratibo at sibil si Herrera kung sa pagtaya ng DepEd–Mimaropa ay mabigat ang kanyang naging kasalanan, ayon pa kay Arzaga.
Nasa pamahalaang panlungsod naman ang desisyon kung kakasuhan nito si Tolosa.
Dahil sa naging pagkukulang nito sa pagsubaybay sa kilos ng kanyang mga tauhan, inalis din sa tungkulin si Supervisor Leaf Miraflores sa pagiging general athletic manager ng koponan ng lungsod. Tulad ni Herrera, pansamantala muna siyang hindi palalahukin sa alinmang sports competition ng City DepEd.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home