Si Mayor Hagedorn, si Louie Larrosa, at ang Free Palawan Media website
Ni Yasmin D. Arquiza
Nitong mga nakaraang lingo, naging usap-usapan sa Puerto Princesa ang pagdawit sa Bandillo ng Palawan ng dalawang personalidad sa isang kontrobersyal na website.
Tinutukoy natin dito ang tinatawag ng DYER na Free Palawan Media website, na tumatalakay sa pagpaslang ng brodkaster na si Dong Batul. Maraming araw din itong naging laman ng mga komentaryo ni Louie Larrosa, at paulit-ulit niyang idinawit ang Bandillo dito. Bagaman wala siyang binabanggit na pangalan, sinabi rin niya na may dalawang babae mula sa print media ng Palawan, na ang isa ay nagsusulat sa isang nasyunal na pahayagan, na may kinalaman umano sa website na ito. Mas matapang sa kanya si Mayor Edward Hagedorn, at hayagang binanggit ang pangalan ko sa isang panayam niya sa Radyo ng Bayan. Naging haka-haka ng maraming nakikinig na ang isa pang babaeng tinutukoy ni Louie ay si Jofelle Tesorio, isa sa mga patnugot namin sa Bandillo at correspondent ng Philippine Daily Inquirer sa Palawan.
Dahil sa paulit-ulit na pasaring sa radyo, maraming taga-Puerto ang nag-alala sa kaligtasan namin ni Jofelle. Nabahala nang husto ang mga kamag-anak ni Jofelle, kaya pagkatapos ng libing ni Dong Batul noong Hunyo 3 ay pinayuhan siyang umalis muna sa lungsod. Makalipas ang dalawang lingo ay napilitan na rin akong hindi bumalik sa Puerto Princesa matapos ang book launching ko sa Manila. Inosente kami ni Jofelle sa mga paratang ng DYER at ni meyor, ngunit nakakabahala ang kanilang mga sinasabi kaya minabuti naming umiwas na lang sa maaaring nakaumang na panganib sa siyudad.
(Siyanga pala, napag-alaman namin na ang pinakalat na balita sa Puerto Princesa ay umiiwas lang daw kami ni Jofelle sa mga warrant of arrest for libel kaya kami umalis. Para sa kaalaman ng lahat, nakapag-file na kami ng bail bond sa korte para sa Jewelmer na libel case, at ganon din si Jofelle sa kanyang libel case mula kay dating konggresista Vicente Sandoval. Ito ay sa kabutihang loob ng Freedom Fund for Filipino Journalists na nagbigay sa amin ng pambayad. Ibig sabihin, walang katotohanan ang tsismis tungkol sa warrant of arrest na iyan.)
Bago ako umalis, nakakuha ang Bandillo ng kopya ng mga pahina ng website na binabanggit ni Louie. Nagmula ito sa isang ahensiya ng kapulisan, at dahil sinasabi ni Louie na sa kanya nagmula lahat ng kopya ng website sa lungsod, malamang ay sa kanya nanggaling ang kopya na nakuha namin. Bukod dito, nakakuha rin kami ng mga tape na nagpapatunay ng pagdawit nina meyor at Louie sa Bandillo sa naturang website. Nasa kamay na ng aming mga ka-partner na ahensya ng media sa Manila ang kopya ng mga tapes (mabuti na lang at may mp3 na) at kontrobersyal na website.
Sa puntong ito, maraming tanong ang bumabagabag sa amin sa Bandillo. Bagaman nagpalabas na kami ng statement tungkol dito, tila walang katapusan ang pagpapakalat ng maling paratang sa amin. Kung tutuusin, ang punong lungsod at si Louie Larrosa ang maraming dapat sagutin na tanong sa kontrobersyang ito.
Una, saan nakuha ni Louie ang kopya ng mga pahina ng website na ikinalat niya sa mga pulis, sa NBI, at sa ibang media?
Ipinagmalaki ni Louie sa kanyang programa noong Hunyo 14 na “ang nag-discuss lang po nito, eksklusibong binuksan po natin ito sa himpapawid, ay ang DYER lamang, at hindi po kasama, at walang alam ang ibang istasyon dito. Walang kopyang nakuha ang ibang istasyon, radyo, print man o broadcast media, dito sa lalawigan ng Palawan, maliban sa DYER.” Kung ganoon, siya lang ang makakapagbigay-liwanag kung saan at paano niya nakuha ang kopya ng website.
Pangalawa, paano nalaman ni Louie na binura kaagad ang website? Ang ibig bang sabihin ay kilala niya ang gumawa nito?
Muli, sa pagmamalaki niya na siya lang ang nakakuha ng kopya ng website, ibinulgar ni Louie sa kanyang programa na “Wala pong may kopya nito dahil 11 o’clock, binura na po ito.” Eksakto pa sa oras, kaya nakakabilib ang kaalaman ni Louie. Kung ganoon, tila siya na nga ang may susi sa misteryosong website.
Pangatlo, bakit halos magkapareho ang sinasabi nina Louie at Mayor Hagedorn tungkol sa pagdawit nila sa Bandillo sa website na ito? At bakit nasabi ni meyor na doon ako naglalagay ng mga sinulat ko?
Sa panayam ng DWRM-Radyo ng Bayan noong Hunyo 8, heto ang sinabi ni Mayor Hagedorn: “Alam natin, well ang sabi nga nila, may mga taga-rito raw na mga lady writers ang nagpasimuno niyan. Maaari, dahil meron diyang isang ever since e, negatibo na sa atin e.” Nang tanungin siya ng reporter kung paano niya na-identify ang gumawa ng website, ito ang sagot ni Meyor: “Nagtatanong-tanong tayo dun sa mga nagmo-monitor e, at alam nila yung klase ng sulat, na-identify nila doon sa isang grupo, plus sa dinami-dami ng lumabas daw doon na local newspapers dito sa atin, ang nai-connect doon sa Internet, yung Bandillo, yung litrato ng Bandillo nandoon. Eh, bakit, wala bang Palawan Times, Palawan Sun, wala bang, dami e, ang daming newspaper, pero don pinakita yon. Atsaka talagang doon nagpo-post si Yasmin, yung Bandillo, doon nagpo-post iyan ng mga Internet ano nila, opinions.”
Sa programa naman ni Louie kung saan sinagot niya ang statement ng Bandillo, tila nagbabasa lang sila mula sa isang script ni meyor. Heto ang sinabi ni Louie: “Nabanggit lang namin yung Bandillo ng Palawan dahil doon sa website na Free Palawan Media.tripod.com, aba ay nakalagay doon yung write-ups ng Bandillo ng Palawan, nung last week na labas ng Bandillo ay yun ang nakalagay doon sa, yung kanilang headlines, diyaryo nila ang nakalagay doon sa Free Palawan Media, doon sa website. Sa dinami-dami ng tabloid, yun lang ang nakalagay doon, ano po, kaya binanggit natin ang Bandillo ng Palawan.”
Para sa kaalaman ni meyor, sa bandillo.blogspot.com lang kami naglalagay ng mga lathalain. Sana ay nagkamali lang siya ng tinuran, at mali lang din ang naibigay sa kanya na impormasyon.
Pang-apat, ano ba talaga ang relasyon ni Mayor Hagedorn sa DYER?
Alam nating lahat na ito ang dating DYEH (ang huling dalawang letra ay initials ni meyor). Sa ikalawang buhay nito bilang environmental radio diumano (kaya naging DYER), may suporta bang ibinibigay si meyor dito? Ano ang totoong katayuan ng DYER pagdating sa lisensiya mula sa National Telecommunications Commission?
Isa sa mga binitiwang salita ni Louie sa kanyang programa ang nakatawag-pansin sa atin. Minamaliit niya kasi ang pagdulog ng Bandillo sa mga ka-partner nito na malalaking asosasyon ng media sa nasyunal na lebel. “Bakit dinadala nyo doon? Anong magagawa ng media agencies na ito? Kaya ba nila tayo? Hindi tayo under ng kung saan diyan, ano. Meron tayong sariling sinusunod dito,” ang tinuran ni Louie. Anong ibig niyang sabihin?
Dagdag pa ni Louie: “Hindi natin uurungan ito, kahit magtatawag pa kayo sa presidente ng Pilipinas, kahit sa mga presidente pa ng buong asosasyon ng buong journalists sa buong mundo, hindi natin uurungan yang mga tanong.” Sana nga ay masagot niya nang husto ang mga tanong na bumabagabag sa atin.
Panghuli at pinaka-importanteng tanong para sa amin, sino nga ba ang tinutukoy niyang dalawang babae na gumawa umano ng website?
Ayon kay Louie sa kanyang programa, “Wala kaming sinasabing ang Bandillo ng Palawan ang nagsulat sa website na iyon. Nailagay lang sila doon sa website hindi sa pananakot, hindi sa kung anupaman, kung hindi, sila ang nagsulat at unang mga nagbigay ng write-ups dito sa pagkamatay ng naturang brodkaster kaya sila nilagay sa website.”
Mabuti naman. Kung ganoon, at kung hindi pananakot ang ginagawa niya sa Bandillo, panahon na upang sabihin niya kung sino ang mga pinaghihinalaan na ito upang matigil na ang haka-haka ng maraming tao na kaming dalawa ni Jofelle ang tinutukoy niya.
Ang sabi pa ni Louie sa DYER: “Hindi namin aatrasan yung sinabi naming merong dalawang pinaghihinalaang babae from the print media. Sooner or later, lalabas po ang mga pangalang iyan.”
Sino nga ba ang mga ito, at bakit ganoon na lang ang pag-alipusta ni Louie sa mga diumano’y pinaghinalaan? Narito ang ilang ehemplo:
“Bastos ito e. Biro mo, bastusin ka harap-harapan sa ano, nagtatago sa Internet, tirahin, sirain ka doon, hindi lang bastos iyan, siraulo pa ng dalawang iyan.”
“Ang nilalaman po ng website na iyan, pinapatay at dinudurog ng website yung mga taong walang kinalaman at inaakusahan dun sa website. Yung andun na mga tao, may pamilya din yun e, may kamag-anak, may mga huwes doon na binabanggit. E kung babalikan sila nung pinagdudurog nila doon sa website, aba e, baka kung anong mangyari.”
“Free Palawan Media movement.tripod.com. Ang mga taong nilagay doon, sinalaula, pinatay, dinurog. Sino ang hindi masasaktan niyan? You are convicting them. Character assassination.”
“Mga akusasyon sa mga taong wala ring kinalaman sa kaso na dinurog-durog at kinatay-katay ang mga apelyido at pangalan sa Internet.”
Para sa ordinaryong nakikinig, madaling makapag-init ng damdamin ang mga salita ni Louie. Dahil dito, walang ibang dapat sisihin kundi ang DYER at si Mayor Hagedorn kung may mangyari na hindi kanais-nais sa mga manunulat ng Bandillo ng Palawan, dahil sa pag-ugnay nila sa amin sa kontrobersyal na website.
Panahon na upang linawin nina Mayor Hagedorn at Louie Larrosa ang misteryong bumabalot sa website na ito, upang mawala na ang panganib na nakaumang sa amin at makabalik na kami nang matiwasay ni Jofelle sa mga trabaho namin sa Puerto Princesa.
Bukas ang Bandillo ng Palawan sa mga sagot nina Mayor Hagedorn at Louie Larrosa sa mga tanong na ito.
Ang may-akda ay isa sa limang founding member ng Bandillo ng Palawan. Bagaman siya ay nagbitiw na bilang editorial staff ng diyaryong ito, patuloy siyang naglilingkod bilang mentor ng mga manunulat nito at tumutulong sa pinansyal na aspeto sa boluntaryong kapasidad. Kapag kinakailangan, nagbibigay din siya ng mga lathalain tungkol sa mahahalagang usapin sa Palawan.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home