Wednesday, May 10, 2006

Kung Bakit Bingi si Inang Reyna

Isang prosang tula ni JOHN IREMIL E. TEODORO

NAG-UMPISA ang takot ni Inang Reyna
nang mag-umpisang magkokak ang mga palaka
sa magkabilang pampang ng nangangamoy na ilog
tungkol sa kanyang pagkapekeng reyna.

Kapag nag-umpisa nang humuni ang mga palaka sa gabi,
tumatakbo papasok si Inang Reyna sa kanyang kuwarto upang mahiga.
Tinatakpan niya ng unan ang kanyang dalawang tenga.
Paulit-ulit na kinukuwento ng mga palaka
kung paano nagdagdag-bawas ang mga aso at baboy
na sundalo ni Inang Reyna noong nakaraang eleksiyon.

Paramihan ng golden kuhol ang eleksiyon.
Ilang sakong kuhol ang ninanak ng mga aso at baboy
mula sa imbakan ng mga kalaban ni Inang Reyna sa eleksiyon.

Hanggang sa may kumalat na pirated CD ng kumbersasyon sa telepono
ni Inang Reyna at ng mga inutusan niyang mandaya sa eleksiyon:
"Hello! Hello, aso?! Hello, baboy?! Kamusta ang mga golden kuhol?
Nailipat n'yo na ba sa ating bodega?"

Marami na talaga ang naiinis kay Inang Reyna
sa buong Kapangkaan nang dahil sa CD na ito.
Dagdagan pa ng e-vat at ang pagmahal
ng kada pirasong lamok na staple food ng mga palaka.
Kada semana, tumataas ng singkwenta sentimo ang bawat lamok.
Tapos, nalaman pa ng lahat na si Itang Pidal
na bana ni Inang Reyna, yumayaman araw-araw.
Kada minuto, tumataba ang bankbook nito.

Kaya nagrali ang mga palaka. Hala, rali sila nang rali.
"Palayasin sa Palasyo ang Pekeng Reyna!"
kokak ng mga palaka sa kalsada.
Hanggang sa naawa ang ibang mga aso at baboy
ni Inang Reyna sa mga raliyista.
May mga opisyal na aso at baboy ang nag-volunteer
na sumama sa mga palaka sa pagrali,
at kung kaawaan ng mga Diwata at swertehin,
hahabulin nila palabas si Inang Reyna
sa palasyo at ihuhulog sa kangkungan.

Pero ang planong ito ay narinig ng mga alagang uwak ni Inang Reyna.
Sa kanyang galit at sa kanyang takot na baka mapalayas siya sa palasyo,
nagdeklara si Inang Reyna ng National State of Emergency sa buong Kapangkaan.
Ipinagbawal niya ang pagrali ng mga palaka.
Ang mga nagtraidor na aso at baboy,
hinuli at kinulong sa tangkal. Yung iba kinatay.
Ipinagbawal ding magkokak ang mga palaka.
May mga bungangerang palaka nga na pinutulan ng dila.

Binalot ng mapanghing katahimikan ang buong Kapangkaan.
Walang palaka na nagko-kokak.
Pati ang paghuni ng kanilang lalamunan dahil sa gutom
ay itinatago nila. Mahirap na. Baka hulihin sila
ng mga loyalistang aso at baboy ni Inang Reyna.

Sa palasyo, sa unang gabing nadeklara
ang National State of Emergency,
nanibago si Inang Reyna sa katahimikan ng gabi.
Pakiramdam ni Inang Reyna,
nagsilayas ang lahat ng mga palaka ng Kapangkaan.
Pakiramdam niya, parang nag-caregiver at nagnars
ang lahat ng mga palaka sa Amerika at Europa.
Parang nagsumakit ang ulo ni Inang Reyna sa sobrang katahimikan.

Pero sa gitna ng katahimikan,
parang nauulinigan ni Inang Reyna
ang wire tapped recording ng boses niya:
"Hello! Hello, aso?! Hello, baboy?!
Kamusta ang mga golden kuhol? Nailipat n'yo na ba sa ating bodega?"

Habang lumalalim ang katahimikan ng gabi,
lumalakas naman ang paulit-ulit na pagtugtog ng
"Hello! Hello, ayam?! Hello, baboy?!" recording sa utak ni Inang Reyna.

Magmula noon, kinatatakutan na ni Inang Reyna
ang pagdating ng gabi. Gusto na sana niyang alisin
ang deklarasyon ng National State of Emergency sa Kapangkaan
upang magkokokak muli ang mga palaka.
Pero marami pa ang mga traidor na aso at baboy na dapat hulihin.

Sa ikapitong gabi, nanghina na si Inang Reyna.
Masakit na masakit na ang kanyang ulo
at ang kanyang noo ay parang pinupunit.
Walang ano-ano'y sumakit ang kanyang dalawang tenga.
Pumilipit sa marmol na sahig ng palasyo si Inang Reyna
sa sobrang sakit ng kanyang mga tenga.

"Ang mga palaka! Ang mga palaka, payagan nang magkalakala!"
sigaw niya sa loyalista niyang mga aso at baboy.
Pero nataranta ang lahat. Walang nakagalaw
at pinanood lamang ang naghihirap na reyna.

At bigla'y, nagulat ang lahat.
Sumabog ang magkabilang tenga ni Inang Reyna.
Umagos ang preskang dugo sa marmol na sahig.

Nang marinig ito ng mga palaka sa buong Kapangkaan,
nagsaya sila! May nag-ati-atihan, may nagdinagyang.
Nagpiyesta sila at nagprito ng isang milyong lamok.

Bingi na si Inang Reyna
nang magbalot siya ng mga damit
at lumayas sa palasyo.

- Published in Bandillo ng Palawan/March 2006

0 Comments:

Post a Comment

<< Home