Sunday, July 23, 2006

General Matillano, Itinanggi ang Paratang Laban sa Kanya

Ni Lourdes Escaros-Paet

“ANG PAGPATAY kay Dong (Batul) ay insulto sa akin, insulto sa mga mamamayan ng lungsod at lalawigan ng Palawan!”

Ito ang mariing pahayag ni Ret. General Eduardo Matillano, dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sa pagsasalita nito sa unang pagkakataon para sagutin ang mga paratang na pinapakalat ng isang grupo na umano ay may kinalaman siya sa pagpaslang sa komentarista.

Si Matillano ay nauna nang nagpahayag sa publiko ng intensyon nitong tumakbo bilang alkalde ng lungsod sa 2007 na halalan. Ang pagpatay umano sa komentarista ay magiging paborable sa kanyang ambisyong pulitikal dahil ibibintang ito kay Mayor Edward Hagedorn na parating tinutuligsa ni Batul sa kanyang programa sa radyo.

Mariin namang itinanggi ni Matillano ang ganitong paratang na aniya ay pulitika ang dahilan. Dagdag pa niya, hindi niya ito magagawa dahil matalik niyang kaibigan si Batul kahit nang nasa serbisyo pa siya at wala pa sa DYPR si Batul.

“Inaamin kong marami na akong pinatay na tao. Pero ito ay tawag ng aking tungkulin bilang alagad ng batas. Hindi ako pumapatay ng mga inosenteng tao. Walang dahilan para patayin ko si Dong na aking matalik na kaibigan,” pahayag ng dating heneral.

Sinabi rin niya na ginagamit nito ang kanyang impluwensya bilang dating hepe ng CIDG para mapabilis ang paglutas ng kasong pagpatay kay Batul.

“Hindi ko pinababayaan ang kaso ni Dong. Nang tapunan siya ng granada, isa ako sa unang taong tumawag sa kanya at nag-offer ng tulong tulad ng baril at security. Tiwala lang talaga si Dong sa katahimikan ng lungsod. Hanggang ngayon ay may ginagawa ako sa Kamaynilaan na hindi ko na dapat sabihin pa para mabigyan ng katarungan ang sinapit ni Dong,” pahayag ni Matillano, na nasa Maynila nang makapanayam ng Bandillo.

Sinabi rin ni Matillano na hindi siya nasisiyahan sa nagiging takbo ng imbestigasyon. Aniya, “Walang mamamahayag na kasing tapang at kasing tapat ni Dong na magbulgar ng katotohanan at katiwalian sa pamahalaan dyan sa lungsod. Hindi ako masaya sa mabagal na takbo ng imbistigasyon sa kaso ni Dong Batul. Alam ‘yan ni Col. Elpidio de Asis dahil ako mismo ay nakikipag-usap sa kanya.”

Bukod sa pagpaslang kay Batul, si Matillano ay pinaparatangan din ng kanyang kalaban na nagpapakilos ng isang grupo ng midya sa Kamaynilaan para siraan ang alkalde ng lungsod na kanyang makakatunggali sa darating na halalan.

Pinabulaanan din ito ni Matillano. Aniya: “Hindi totoo ‘yan, wala akong pera para magbayad ng media o bumuo ng media group sa Kamaynilaan.”

Kilala na umano ni Matillano ang grupong gumagalaw para sirain ang kanyang pangalan ngunit tumanggi muna itong isapubliko. Inamin din nito na naghahanda na siya para sa darating na halalan.

Si Matillano, na isang taal na Palaweño, ay isa sa mga haligi ng Reform the Armed Forces Movement (RAM), ang pwersang naging bahagi sa pagpapabagsak sa diktaduryang Marcos at nagtangka ring pabagsakin ang rehimeng Aquino. Humawak siya ng mahahalagang posisyon sa militar at pulisya bago nagretiro.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home