Sunday, July 23, 2006

Ano ang Telephone Brigade?

Ni Lourdes Escaros-Paet

ISA SA mga hinangad ni Fernando “Bastonero” Batul nang nabubuhay pa ito ay ang malinis ang lokal na industriya ng brodkast sa mga tiwaling brodkaster na ibinebenta ang kanilang serbisyo sa mga pulitiko. Sa krusada niyang ito, hayagan niyang binanggit sa ere ang pangalan ng tatlong brodkaster na napatunayan niyang tumatanggap ng suhol mula sa mga pulitiko.

Bagaman namatay siya na humahawak pa rin ng mikropono ang tatlong brodkaster, malaki ang nagawa ng kanyang pagbubulgar ng mga katiwalian sa midya para maging mapanuri ang mga tagpakinig sa mga impormasyong hinahatid ng midya. Isa ito sa naging batayan ng Simbahang Katoliko para gawaran siya ng natatanging parangal.

Ang telephone brigade, na isa sa mga “racket” ng mga tiwaling brodkaster, ay isa sa mga isiniwalat ni Bastonero sa publiko sa kanyang programa. Malalim ang kanyang naging pagsusuri sa operasyon nito at kung ano ang nagagawa nito para sa interes ng mga pulitiko.

Ang telephone brigade ay isang organisadong grupo na pinopondohan ng isang pulitiko para pagandahin ang kanyang imahen at siraan ang mga kalaban nito. Binubuo ito ng mga tiwaling brodkaster at mga callers na nagpapanggap na mga concerned citizens at nagbibigay ng mga scripted na reaksyon.

Ang telephone brigade na pinatakbo ng isang tiwaling brodkaster ang naging dahilan ng kanyang pagkakasibak sa isang himpilan, ayon sa Bastonero.

Para hindi mahalata, may middleman na ginagamit ang pulitiko na siyang nagbibigay ng pondo sa grupo. Ang brodkaster na siyang pinakapuno ng grupo ang tumatanggap ng pondo. Siya rin ang naghahanap ng isyu laban sa mga katunggali ng kanyang panginoong pulitiko, at kanya itong palalakihin sa kanyang programa.

May kakutsaba din siyang isa pang brodkaster na siyang bahala sa operasyon sa labas ng himpilan, tulad ng pag-interbyu sa mga kapanalig na mga sources. Kung minsan, siya na rin ang kumukuha ng pera para sa grupo.

May kaibigan ang tiwaling brodkaster na pumayag na sa kanyang bahay ikabit ang teleponong ginamit ng grupo. Naging kakutsaba rin ng brodkaster ang technician ng himpilan, kung saan ito ang tumatanggap ng mga tawag sa telepono at tanging mga miyembro lang ng grupo ang kanyang pinapapasok.

Bubuksan ng brodkaster ang isyu sa kanyang programa at papalakihin ito ng mga callers na magbibigay ng halos iisang reaksyon. May code na ginagamit ang mga callers na ito kaya alam ng technician kung sino lang ang dapat niyang papasukin.

Dahil iisang posisyon lang ang hinahayag ng mga callers na ito, nakakalikha sila ng impresyon sa publiko na ang kanilang posisyon sa isyu ang damdamin ng nakakarami. Malaki ang nagiging impluwensya nito sa kaisipan ng mga tagapakinig, na ang paniwala sa mga impormasyong hinahayag sa radyo ay katotohanan lahat.

Nagawa ng naturang telephone brigade, na gumalaw noong termino nina Atty. Dennis Socarates at Dong Batul, na pagmukhain sa publiko na depektibo ang kanilang administrasyon. Ito ang isang naging dahilan ng pagkakaalis nila sa puwesto.

Sa ngayon, hindi malayong gumalaw muli ang telephone brigade dahil nasa radyo pa ang mga tiwaling brodkaster na hayagang pinangalanan ni Bastonero sa kanyang programa.

Magiging mas mabangis pa nga ito dahil sa pagkakaroon ng selfon ng halos lahat na ng tao. Text brigade na ang kikilos, o kumikilos na nga yata. Dapat mas maging mapanuri ang mga tagapakinig sa panahon ngayon dahil napakadaling magsinungaling sa text. Napakadali rin sa isang brodkaster na magbasa ng kunwari’y text message mula sa inimbentong numero.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home