Bentahan ng Espasyo Sa City Cemetery, Nalantad
Ni Amihan Sabillo
NALANTAD kamakailan ang isang anomalya sa loob ng City Cemetery na pinagkakaperahan umano ng mga tagapangasiwa nito.
Ito ay ang pagrereserba ng mga espasyo at nitso para sa mga taong buhay pa kapalit ng pera, bagay na ipinagbabawal sa isang pampublikong sementeryo.
Ang ganitong modus operandi ay pinapalagay na matagal nang ginagawa ng tagalibing dahil sa dami na ng nakareserbang espasyo, ngunit nalantad lang ito nang magreklamo ang isang Rose Abian.
Si Abian ay napilitan umanong magpareserba ng espasyo para sa kanyang may-edad nang kaanak dahil sa umano’y masamang karanasan nito sa pagkamatay ng isang kapamilya. Nahirapan itong makakuha ng espasyo sa sementeryo dahil wala umano siyang reserbasyon.
Ayon kay Abian, P5,000 ang hinihingi ni Jerry Tabang, ang kasalukuyang tagalibing ng sementeryo, sa bawat nitsong pinapareserba dito simula pa noong Enero.
Subalit mariin naman itong pinabulaanan ni Tabang. Sa ipinakita nitong appoinment paper mula sa City Health Office, noong Marso lamang ito umupo at Pebrero ginawa ang nitsong pinareserba ni Abian. Malinaw aniya na wala siyang pananagutan dito.
Itinuro niya si Bernardo Dacuan, ang pinalitan nitong tagapangasiwa ng sementeryo, na siyang may pananagutan sa anomalya. Pinabulaanan naman ni Dacuan na may kinalaman siya dito.
Sa pagsisiyasat ni Tabang, lumilitaw na mahigit 50 espasyo ang nilagyan ng upuan at silungan na palatandaan na nakareserba ang mga ito. Hinahanapan na niya ng papeles ang mga nagpareserba sa sementeryo. Kung mabibigo ang mga itong magpakita ng papeles ay hahayaan niya umanong gamitin ng iba ang mga espasyo.
Ang mabilis na pagkaubos ng espasyong mapaglilibingan sa City Cemetery ay isang problemang hindi pa nahahanapan ng pangmatagalang solusyon ng pamahalaang panlungsod.
Kamakailan ay binili ng lungsod ang karatig lote ng sementeryo at ginawang extension nito, ngunit sa dami ng nililibing kada linggo, malapit na naman itong mapuno.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home