Monday, August 14, 2006

Shipment Ng Salagubang, Kinumpiska

Ni Amihan Sabillo

KINUMPISKA NG PINAGSANIB na puwersa ng mga ahensya ng pamahalaan sa Palawan ang 939 piraso ng salagubang o uwang na nakatakda sanang ibiyahe sa Maynila sakay ng barko noong Hulyo 28.

Ang shipment, na pag-aari ng isang nagngangalang Amie Potestad, ay kinumpiska ng mga otoridad dahil sa kawalan ng collection at shipping permit.

Ayon kay Manuelito Ramos, hepe ng Protected Areas & Wildlife sector ng City Environment and Natural Resources Office, isang linggong minanmanan ng Filipino Alliance Movement si Potestad sa Bataraza bago ito nahuli.

Kaagapay ng City ENRO at Filipino Alliance Movement ang Port Police, Department of Environment and Natural Resources, Coast Guard, Palawan Council for Sustainable Development Staff sa operasyon.

Dumaan sa X-ray machine sa port terminal ang kahon kaya nalaman ng mga otoridad ang laman nito. Nilagyan ng yelo ang kahon kaya hindi naging maingay ang mga insekto.

Ang naturang mga insekto ay wala sa listahan ng mga nanganganib nang maubos na buhay ilang. Ayon sa mga magsasaka, isa itong peste sa niyugan dahil binubutas nito ang mga murang palapa ng niyog.

Ganunpaman, kasong administratibo at kriminal ang haharapin ni Potestad bilang paglabag sa Wildlife Conservation & Protection Act, ayon kay Alex Marcaida, tagapagsalita ng PCSDS.

Binibili umano ito ni Potestad sa mga katutubo sa Bataraza ang uwang ng P40 kada piraso. Binebenta naman nito sa isang buyer na Hapon sa Maynila ng P1,500 ang maliliit na pares at P5,000 ang malalaking pares na sumusukat ng dalawa hanggang tatlong pulgada.

Hindi rin malinaw kay Potestad kung ano ang gagawin sa mga salagubang ng kakontrata niyang Hapon. May palagay naman ang mga otoridad na may pang-nutrisyunal at medisinal na gamit ang mga insekto dahil sa magandang presyong binibigay ng buyer nito.

Hindi naman sinabi ni Marcaida kung ano ang gagawin nila sa mga salagubang.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home