Ang Totoong Sumisira Sa Pamilya Hagedorn
Ni Lourdes Escaros-Paet
NAGREKLAMO SA pamunuan ng DYPR sa pamamagitan ng text message (hindi man lang ginawang black and white) si Clink Hagedorn dahil sa tila itinuturo ko raw ang kanyang ama na si Mayor Edward Hagedorn na siyang pumaslang kay Fernando “Dong” Batul. Nagpapasalamat naman ako sa aking himpilan dahil naging supportive ito sa atin at naging balanse sa pagtrato ng naturang reklamo.
Kay Clink Hagedorn, na minsa’y itinuring ko ring kaibigan, heto ang masasabi ko. Ang ginawa mo ay nagpapakita lamang ng iyong kahinaang harapin ang anino ng inyong pagkakamali. Isa-isahin natin para mas maunawaan mo at ng iyong ama kung ano ang katotohanan at ano ang inyong pagkakamali.
Mayo 22 nang pinaslang si Batul. Minuto lang, sa wakas, nagsalita na rin sa DYPR ang iyong ama at sinabing wala siyang alam sa pangyayari. Nagpaliwanag, dahil alam niyang siya ang unang pagbibintangan. Kanyang hiniling ang agarang pagresolba sa kasong ito.
Tama ang ginawa ng iyong ama. Bagama’t may istasyon kayo na pwede niyong gamitin para magpaliwanag sa publiko kahit isang taon, sa DYPR siya tumawag at nagsalita kung saan nakikinig ang mas nakakaraming mga Palaweño at supporters ni Batul. Nagpaliwanag ang iyong ama sa DYPR, pero sa himpilan ninyo, binabanatan si Batul. Palagay mo Clink, may maniniwala sa ‘yo at sa sinseridad ng iyong ama?
Maraming nagulat nang marinig ng taong bayan ang iyong ama sa aming himpilan. Nagpaabot kasi siya ng pakikiramay sa pamilya ng mga Batul! Tama ang aksyon ng iyong ama, ng alkalde. Pero teka, narinig mo bang humingi ng paumanhin ang iyong ama dahil siya ang unang nagtanim sa utak ng mga Palaweño na ang granadang inihagis kay Batul noon ay gawa-gawa lamang nito? Pinagtawanan at sinira ng inyong istasyon ang dating bise alkalde! Palagay mo Clink, may maniniwala sa iyo at sa sinseridad ng iyong ama?
Hunyo 3, araw ng libing ni Batul. Ang libu-libong mga Palaweño ay nakikisimpatiya, naghihinagpis at umiiyak. Umaasa kami na sana ito rin ang araw na bigyan niyo kami ng konting respeto at dignidad. Irespeto ang sakit na nararamdaman ng pamilya Batul. Pero hindi niyo ‘yan ginawa. Bagkus sa inyong himpilan, patuloy ang pagsira niyo sa pagkatao ni Batul. Libing na niya, hindi niyo pa iginalang! Clink at Mayor Hagedorn, palagay niyo may maniniwala sa inyo?
Hanggang ngayon, nagpapatuloy ang pambabastos at paninira ng inyong himpilan sa amin at kay Batul. Ngunit kailanman, hindi kami nagreklamo dahil ikabababa ng aming pagkatao ang patulan ang iyong bayarang broadcaster na ang tanging hangarin ay humanap ng pera na ipambubuhay sa naghihikahos nang pamilya.
Clink, kahit kailan ay hindi namin inipit ang iyong ama. Ang iyong binabayarang mamamahayag ang sumisira sa pangalan ng iyong ama, at sa pangalan ng iyong pamilya. Maaaring hindi mo alam ‘yan.
Iba ang salita sa ginagawa. Mali ang diskarte na ibinibigay ninyo sa inyong bayarang broadcaster. Wala nang masisira sa taong ‘yan. Pinagsawaan na ‘yan ng mga pulitiko. Sa konting halaga, sisirain niyan kahit sino. Galing na ‘yan sa ibang diyos na ang ilan ay mga kalaban pa ng iyong ama. Alam niyo ba yun? Kaya nga pinagtatawanan na lang kayo eh.
Wala nang pangalan ang taong ‘yan. Pero ang inyong pamilya ay may pangalan at dignidad na dapat niyong pag-ingatan. Buti pa si Kgd. Douglas Hagedorn, alam kung paano harapin ang isyu ng pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa pagkamatay ni Batul. Tahimik lang kaya walang intriga. Pero ang iyong ama ay pinagkatiwala ang isyu sa inyong himpilan na wala namang ginawa kundi ang isubo siya sa kahihiyan. Natatakot kami sa magiging hatol sa kanya ng taumbayan.
Ang white paper, ang mga kolum ng isang Joey Venancio, ang mga pahayag ng mga witnesses na sana’y paborable sa amin ay hindi namin pinatulan kailanman dahil naniniwala kami sa batas. Ang mga bagay na ‘yan ay binuksan ng iyong binabayarang broadcaster na siyang totoong umiipit ngayon sa iyong ama.
Sana Klink, mapagtanto na ninyo ang pinsalang dinudulot sa inyong pamilya ng inyong bayarang broadcaster. Sa dami na ng binitiwang mapanirang salita niyan sa ere, hindi niyo na mababawi pa.
Sabi nga ni Dong, sa pamamamahayag hindi dapat pera ang nasa isip. Utak ang dapat gamitin. Ngunit tila ‘yan ang kulang sa inyong bayarang mamamahayag, kaya banat lang nang banat at hindi iniisip ang magiging epekto ng kanyang mga pahayag sa inyong pamilya.
Para sa mga nais na magbigay ng reaksiyon maaari kayong mag-email sa treselourdes13@yahoo.com
0 Comments:
Post a Comment
<< Home